“Hindi ako naniniwalang kailangan ng tao mangarap dahil gusto n’ya ng pera, o gusto n’yang sumikat, o gusto n’ya ng impluwensya. Side effects na lang ang mga ‘to, sa tingin ko. Nangangarap ang tao dahil binigyan s’ya ng Diyos ng kakayanang mangarap at tumupad nito. Tungkulin n’yang pagbutihin ang pagkatao n’ya at mag-ambag ng tulong sa mundo. At wala na s’yang iba pang magagawang mas malaking kasalanan sa sarili bukod sa talikuran ang tungkuling yon… ”
“Dahil sa pagsusulat, masasagi mo ang mga matatayog na egotismo ng ibang tao. Matatapakan mo ang mga lumpong paa ng kasalukuyang sistema. At maiistorbo mo ang siesta ng lipunang masaya na sa mga paniniwalang kinagisnan nito. Sa pagpahid ng utak mo sa papel, lahat yan babanggain mo. Kasabay ng pagbangga mo sa sariling mga takot, kamangmangan at egotismo.”
“Walang tigil ang mga tao sa paggamit ng enerhiya. Lahat ng maaaring pagkagastusan ng kuryente, gagawin nila. Nabubuhay sila sa sistema ng pag-aani ng kayamanan ng mundo upang gawing lason at basura.”
“Nasasaktan ako dahil sa kabila ng lahat, mahal ko ang Pilipinas.”
“Nalaman kong maswerte ako dahil pinaglaro at pinag-aral ako ng magulang ko nung bata pa 'ko. Hindi pala lahat ng bata e dumaraan sa kamusmusan.”
“Hikayatin mo lahat ng mga kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buong buhay nila. Dahil wala nang mas nakakaawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa...bilang tao, may karne sa loob ng bungo mo na nangangailangan ng sustansya.”