“Sabi ko noon, pag nagkita kami, marami akong itatanong at sasabihin. Pero ngayon, magkasama kami, ito lang ang mahalaga. Saka na halungkatin ang nakaraan. Saka na pagusapan ang hinaharap. Kaya siguro naimbento ang nakaraan para lingunin at kalimutan, ang hinaharap ay para tanawin at pangarapin.”
“Kung ang paglilibang ay gamot na pampalimot, paniguradong maraming taong sasama ang loob na kalimutan na lang ang kagustuhang makalimot dahil sa mahal ang makalimot.”
“Siguro kaya naimbento ang salita’t konseptong closure ay para sa mga tinatamad malaman ang magiging wakas. Yung mga atat na atat malaman ang ending. Yung mga naburyong na sa pagkainip sa dapat kahinatnan. Kesa nga naman maghintay sa pagkahaba-haba’t pagkatagal-tagal ng ending, mabuti pang putulin nalang.”
“Dati naman akong masaya bago pa siya dumating. Mas sumaya nga lang nung dumating siya. Pero bakit nung umalis siya, hindi na ako naging kasinsaya gaya ng dati bago pa siya dumating? Hindi kaya dahil imbes na isama ko siya sa daigdig ko, siya ang ginawa kong daigdig? Kung naging masaya ako bago siya dumating, pwede rin akong maging masaya kahit wala na siya. Hindi siya ang dahilan ng pag-inog ng mundo ko, hindi rin dapat siya ang dahilan ng pagtigil nito.”
“Di ko alam kung paano ie-explain, pero, para sa akin, ang bag ng babae ay simbolo ng kanyang daigdig. The mere fact na nag-decide ang babae na yun ang laman at bigat ng bag niya, 'yun ang personal nyang mundo. Kaya niya dinala yun kasi yun ang kaya nyang dalhin. Anytime, anywhere. Nadadala niya yun from point A to point B. Pero kapag nakakita na ng lalake, dapat lalake na ang magpatuloy ng pagdadala from point B to point C? Kapag umalis ba ang babae mula sa kanyang bahay, aware siya na may lalakeng magbibitbit ng bag niya? I don't think so. Even without the guy, dadalhin pa rin naman ng babae yun kahit saan siya magpunta. Kaya ako, hinahayaan ko lang bitbitin ng babae ang kanyang bag. Gusto kong sabihin sa kanya na with or without me, or each other, tuloy lang ang pagbibitbit ng mundo, ng kani-kaniyang daigdig.”
“Paano mo malalaman kung hindi ka magtatanong? Pero andami-dami nating nalalaman kahit hindi tayo nagtatanong. Paano ka pa magtatanong kung alam mo na ang sagot. Pero paano ka magtatanong kung hindi mo alam kung ano ang iyong itatanong? Paano mo sasagutin ang tanong sa iyo kung hindi mo alam ang isasagot? Paano ka sasagot kung hindi mo alam ang tanong. (Kunsabagay, sa buhay na ito, madalas, tama ang sagot, mali nga lang ang tanong).”
“Kung sana nga, naging ingrown na lang ng kuko ang pagmamahal na ito at kahit isa-isahin ko ang manikurista sa buong Pinas, matanggal lang ang lintek na pag-ibig na ito.”