“Nakapagtatakang nagtataka pa ang nanay at tatay ko kung bakit di ako mapirmi-pirmi sa bahay ng sino man sa kanila. Bakit nga raw ba ako palipat-lipat ng trabaho? Bakit pabago-bago ng karelasyon? At paiba-iba ng mga kaibigan? Gusto ko sanang ipaliwanag sa kanila na kapag matagal-tagal ka ring naging bola sa pingpong, di mo maiiwasang makasanayan ang pagpapadito at doon, dito, doon at ang pagpapadoon, dito, doon, dito. At sandaan pang pagpapadito-dito at pagpapadoon-doon. Sa sandali namang matapos ang laro o kahit sa pagkakataong datnan lamang ng pagod ang mga manlalaro, hahayaan ka nilang gumulong-gulong sa kung saan-saang sulok, kahit pa nga iyong namumutiktik sa alikabok. Hihingal-hingal ka ngayong maghihintay sa kung sino man sa kanila ang may awa o panahon para yumukod at pumulot.”