“Upang matawag na isang dakilang kritiko, wala nang hihigit pa sa pagpapamalas ng kawalang-kasiyahan sa lahat ng bagay.”
“Ilang dantaon po mula ngayon, kapag naliwanagan at natubos na ang sangkatauhan, kapag wala nang mga lahi, kapag malaya na ang lahat ng mga bayan, kapag wala nang nang-aalipin at napaaalipin, mga kolonya at mga metropolis, kapag naghahari na ang iisang katarungan at ang bawat isa'y mamamayan na ng daigdig, tanging ang pagsampalataya po sa siyensiya ang malalabi. Magiging singkahulugan ng bulag na pagsamba ang patriyotismo at sinumang magmagaling na nagtataglay ng katangiang ito ay walang alinlangang ibibilanggo na tulad ng isang may nakahahawang sakit, isang manliligalig sa kaayusang lipunan.”
“Nasa isip ng lahat na ang gobyerno, bilang isang institusyong likha ng tao, ay nangangailangan ng tulong ng lahat, nangangailangan ito ng magpapakita at magpapaalam sa mga tunay na pangyayari.”
“Nalilimot ng bawat isa sa inyo na habang napag-iingatan ang isang bayan ang kaniyang wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kaniyang paglaya, katulad ng pagpapanatili ng isang tao sa kaniyang kasarinlan, upang mapanatili niya ang kaniyang sariling paraan ng pag-iisip. Ang wika ang pag-iisip ng bayan.”
“Naglalaho sa loob ng klase ang mga hadlang na itinatayo ng politika upang hatiin ang mga lahi, natutunaw wari sa alab ng kaalaman at kabataan.”
“Nawalan muli ng isang oras ang buhay ng bawat kabataan, saka isang bahagi ng kaniyang karangalan at paggalang sa sarili, at kapalit ang paglaki sa kalooban ng panghihina ng loob, ng paglalaho ng hilig sa pag-aaral, at pagdaramdam sa loob ng dibdib.”
“Napakatamis ng tubig at naiinom, bagaman lumulunod sa alak at serbesa at pumapatay sa apoy. Nagiging singaw ito kapag pinainitan; kapag naligalig, nagiging karagatan na minsan nang pumuksa sa sangkatauhan at yumanig sa dibdib ng mundo.”